Ayaw kong magpakita kahit kanino pati sa iyo. Nahihiya ako sa aking dinatnan. Natatakot ako sa maaaring magawa mo sa akin at pati kay Loloy. Di ko ninais na mangyari ang nangyari. Hindi rin naman ako makapalag, umayaw at tigilin ang mga pangyayari.
Marahil ay nagsabi o nagsulat na sa iyo si Loloy ukol sa mga pangyayari. Hindi ko alam kung ano ang sinabi niya sa iyo. Ngunit, aking batid na maaari niyang baguhin ang pangyayari sa pamamagitan ng pagsabi ng kwento ayon sa kanyang perspektibo. Nauunawan ko na takot siya sa iyong magiging reaksyon. Kaya naman ibig ka niyang suyuin, kunin ang iyong sentimento at palabasing ako ang mas makasalanan. Ako man ay nakakaramdam ng pagkasala.
Matalik mong kaibigan si Loloy at maging sa akin hindi na siya ibang tao. Tinuturing ko siyang isang kaibigan at kapatid. Alam ko ang kanyang pagiging malapit sa mga babae. Ibig ko pa siyang makilala dahil ang kanyang pagiging malapit sa mga kababaihan ay kumikiliti sa aking imahinasyon.
Kahit kailan, Kuya, ay hindi pa ako inibig ng kahit sinong lalaki. Ngunit, ako naman ay nakadama na ng pagsinta. Nahihiya kasi ang mga lalaki sa akin. Ewan ko ba. Hindi ko naman sila kakainin. Mayroon akong napupusuang lalaki ngunit hindi ko masabi sa kanya ang aking nararamdaman. O, bakit kasi ganyan ang ating lipunan? Bakit kasi lalaki lamang ang pwede manligaw, magtapat ng pagsinta nang walang pag-aalinlangan? Bakit kay manhid nila sa akin?
Mayroon akong ipagtatapat. Mayroon akong gusto sa isang lalaki. Isa po siya sa iyong mga kaibigan. Matagal na akong may pagtingin sa kanyang. Sa tuwing bumibisita siya ay kinikilig ako. Parang binabalot ng galak ang buo kong pagkatao. Sa gabi naman ay napapanigipan ko siya at ako’y, ako’y.... Ngunit sawi ako sa lahat ng tao, dahil hindi ko maibalik sa kanya ang ligaya na ibinigay niya sa akin. Sa mga pagkakataon na nakakaramdam ako ng lungkot dulot ng masakit na ligayang ito, nagbabasa ako ng mga
Dumalo sa ating tahanan si Loloy. Naka-upo siya sa sala at nagbabasa. Nakita ko siya mula sa hagdan. Ako’y nagpaganda at nag-ayos. Lumapit ako sa kanya. Hindi ko alam ang sasabihin ko kaya naman kinamusta ko na lang si Sonia sa kanya. Agaran siyang tumayo at nilikuran ako. Hindi ako makapalag. Hindi rin niya sinagot ang tanong ko. Agad kong nilayo ang aking sarili. Siya ay napa-upo at bumalik sa kanyang pagbabasa. Makalipas ang ilang sandali ay tinabihan ko siya at tinanong: ”Loloy, nakaramdam ka na ba ng tunay na pag-ibig?” Nagtitigan kami. Nagsalaysay ako ng maraming kwento ng pananabik na hinabi ko mula sa sakit na dulot ng sugat sa puso at ang paghihirap dahil sa naglahong pag-asa. Sa pag-uusap namin na iyon ay muli akong nabuhayan ng pag-asa. Niyakap niya ako ngunit naging bastos ang kanyang mga kamay. Inalis ko ang kanyang mga kamay at umakyat papuntang kwarto.
Isang umaga ay dumayo uli si Loloy. Nagwawalis ako nang tanungin niya kung nasaan ka. Galit ang aking tinig nang sinabi ko sa kanya ”Ewan, di ko alam!” Nagulantang siya at tila nagtataka. Tinanong niya kung galit ako sa kanya. Tinignan ko siya nang masama at tumakbo paakyat ng bahay. Sinundan niya ako.
”Galit ka ba? Pepita, ” tanong ni Loloy sa akin. Ayokong sumagot. Pinilit niya akong sagutin ang tanong niya.
Tumingala ako kay Loloy, tumitig sa kanyang mga mata at sumagot: ”Oo. Galit ako sa iyo, Loloy, galit! Kung marunong ka sanang umunawa. Minamahal kita, ngunit di mo ako iniibig. Ang iniibig mo lamang ang katawan ko! Hindi ba ako kapantay nina Sonia, Ester, Fe, Prospera at Risa sa ganda at talino? O baka naman katawan lang din ang nakita mo sa kanila!? Sino ka ba na ayaw umibig sa akin? May araw din na ikaw ang magagalit at maiingit sa akin. Magsisisi ka!”
Kami lang ni Loloy ang nasa loob ng bahay.
Isang bagyo ang sumalanta sa aking pagkababae. Gusto kong sumilong at iwasan ang pagkawasak na dala nito. Malakas na hangin ang tumangay sa akin. Tinangay ako hanggang umabot sa himpapawid hanggang sa dagat na walang katapusan. Naipit ako sa gitna nito.
At ako’y nalunod sa karagatan ng pagnanasa.

No comments:
Post a Comment